KIDAPAWAN CITY, Philippines – Pagkatapos ng halos dalawang linggong pagkakabihag, pinalaya na kamakalawa ng mga kidnaper ang apat na taong gulang na batang si John Kyle Chiongson na anak ng isang negosyanteng Intsik sa Cotabato City.
Ayon kay Supt. Danilo Bacas, spokesman ng Philippine National Police-Autonomous Region for Muslim Mindanao, inabandona si Chiongson ng kanyang mga kidnaper sa isang bakanteng lote sa Barangay Taviran sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao bandang alas-11:00 ng gabi ng Lunes.
Idiniin ng PNP na walang ransom na ibinayad kapalit sa kalayaan ng biktima. Ayon kay Bacas, napilitan ang mga kidnapers na pakawalan ang kanilang bihag matapos ang tuluy-tuloy na operasyon ng magkasanib na puwersa ng Maguindanao PNP, Cotabato City PNP, at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Nasa maayos ang kondisyon ng pangangatawan ng bata nang ito’y kanilang makuha, ayon pa kay Bacas. Si Chiongson o kilala sa tawag na ‘Butyok’ ay dinukot ng apat na armadong lalaki noong June 25 habang papasok ng bahay niya sa Poblacion-3 ng Cotabato City at pilit na pinasakay sa isang itim na kotse na agad humarurot patungong bayan ng Sultan Kudarat, Maguinda nao. (Malu Cadelina Manar)