BATANGAS, Philippines — Dalawa-katao ang iniulat na napatay habang apat iba pa ang sugatan sa naganap na magkakahiwalay na barilan sa Batangas noong Sabado at kahapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director, ang napatay na si Ernesto Barrion, 47, negosyante, ng Brgy. Bagumbayan, Tanauan, City. Sa police report, lumilitaw na papuntang palengke si Barrion kasama ang kanyang misis na si Marina, na lulan ng owner-type jeep (DPV-868) nang pagbabarilin ng mga ‘di-pa nakikilalang mga kalalakihan sa Brgy. Poblacion 7 bandang alas-4 ng madaling-araw kahapon kung saan sugatan ang asawa ni Barrion.
Samantala, niratrat at napatay din si Marcelo Velasquez, 32, ng kanyang bayaw na si Edwin Llanos sa di-pa ring malamang dahilan sa Sitio Camarin, Brgy. Castillo, sa bayan ng Padre Garcia, Batangas noong Sabado ng gabi. Kasunod nito, sugatan naman si PO3 Ferdinand Hernandez, matapos pagbabarilin ng di-pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo sa highway sa Sitio Tramo, Brgy. Alangilan, Batangas City kamakalawa ng gabi.
Sugatan din ang magpinsang Pablo Vergara at Allan Enriquez ng Brgy. Payapa Ilaya, sa bayan ng Lemery matapos barilin ng kanilang kainumang sina Teresito Alilio at Pedro Macatangay na sinasabing tumakas sakay ng kulaypulang Toyota Corolla. (Arnell Ozaeta)