CAVITE, Philippines – Pormal nang inilunsad ang nominasyon para sa Gawad Heneral Emilio Aguinaldo: Parangal sa Natatanging Rebolusyonaryong Caviteño” -ang pinakamataas na parangal na ipagkakaloob bilang pagpupugay sa kadakilaan ng bayaning Kabitenyo at unang pangulo ng republika.
Nagkaroon ng ilang pagbabago sa parangal upang iakma sa limang katangian na taglay ng bagong tatak: Makasaysayan, maunlad, matagumpay sa pandaigdigang larangan, mapaglingkod at may pananaw sa hinaharap.
Limang kategorya ang binuo sa Gawad Aguinaldo kabilang ang Dakilang Caviteño Award na pinakamataas sa mga kategorya at igagawad sa indibidwal na kinilala sa kanyang mga gawa, mga nakamit na tagumpay at sumasalamin sa tunay na rebolusyonaryong Kabitenyo at ang Maliksing Caviteño Award para sa mga kabataang Kabitenyo may edad 19 hanggang 29-anyos na matagumpay sa kanilang mga gawain at nagsilbing huwaran sa kanilang kapwa kabataan.
Binubuo ang Gawad Aguinaldo Board nina ex-Justice Ameurfina Melencio-Herrera, ex-Prime Minister Cesar EA Virata, Dr. Nellie Ilas, ex-Senator Vicente Paterno at si ex-Justice Justo Torres, na pawang mga tumanggap na ng parangal.
Nagsimula nang tumanggap ng nominasyon ang Provincial Information and Community Affairs Department na magtatapos sa Hulyo 10 para sa pagsusuri ng Gawad Aguinaldo screening committee. Ga ganapin ang parangal sa Agosto 30 kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng Cavite. Para sa anumang katanungan, tumawag sa tel # (046) 419-1458, 4192950 at 4191919 loc. 119.