Mayor dedo sa car mishap
Camp Vicente Lim, Laguna, Philippines – Nasawi ang 57-anyos na mayor ng Pili, Camarines Sur na si Alexis San Luis habang anim pang tao ang sugatan nang bumangga ang sinasakyan nilang sports utility vehicle sa kasalubong na pampasaherong bus sa Gumaca, Quezon kamakalawa ng hapon.
Sugatan din ang asawa ni San Luis na si Leda, 57, at mga kasamahan nitong sina Lilia Delos Santos, 53; Gloria Baldon, 53; Fel Salvino, 72 at ang driver na si Orlando Bigay, 53, pawang mga residente ng Pili.
Isang bystander din ang nadamay sa aksidente na kinilalang si Reynante Aguila, 24, ng Barangay Villa Bota, Gumaca.
Papauwi na ang grupo ni San Luis sa Bicol galing Manila sakay ng Ford Everest na minamaneho ni Orlando Bigay at binabagtas ang kahabaan ng Maharlika Highway nang sumalpok sa kasalubong na Cagsawa Bus pagsapit sa Barangay Rosario sa Gumaca.
Sa salaysay ng mga saksi, nag-overtake umano ang bus na minamaneho ni Jesus Escoto, 56, na patungo naman sa Manila nang salpukin ang sasakyan nina San Luis na nasa kabilang linya ng highway.
Naitakbo pa si Mayor San Luis at kanyang mga kasamahan sa Lucena City General Hospital para gamutin pero namatay din ang mayor ilang oras ang nakalipas.
Nakakulong na si Escoto sa Gumaca Police Station habang inihahanda ang mga kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple injuries at damage to properties laban sa kanya.
- Latest
- Trending