Bagong kasal, 50 pa nalason sa handaan

MANILA, Philippines – Sa halip na makapag-ho­neymoon, sa ospital bumag­sak ang bagong kasal habang 50 pang bisita nito ang iniulat na nalason sa inihan­dang pagkain sa hotel sa Davao City kamakalawa.

Kapwa nagpapagaling sa ospital ang bagong kasal na sina Michael at Giselle Arien­da na sinasabing naudlot ang pulot-gata bunga ng insidente.

Nasa ospital din ang mga bisita ng mag-asawa habang ang iba ay nakauwi na ma­tapos na mabigyan ng kauku­lang lunas.

Sa police report na naka­rating sa Camp Crame, gina­nap ang kasalan sa hotel na matatagpuan sa Magallanes Avenue.

Lumilitaw sa resulta ng medical examination, natukla­san na may bacterium Salmonella typhi ang mga sample ng dumi ng mga biktima na sinasabing mula sa kinaing isda at salad sa handaan.

Matapos ang ilang minu­tong kainan ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pag­kahilo at pagsusuka ang ba­gong kasal at ang kanilang mga bisita. - Joy Cantos


Show comments