MANILA, Philippines – Umalma ang may 50 mamamahayag na sinasabing karamihan ay nagmula pa sa Maynila makaraang maharang sa checkpoint ng militar sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao kahapon ng umaga.
Napag-alamang patungo sana ang mga mamamahayag na lulan nang walong sasakyan sa evacuation center na tinutuluyan ng mga naapektuhan ng giyera ng militar at Moro Islamic Liberation Front renegades sa bayan ng Datu Piang nang harangin ng tropa ng militar.
Agad namang nilinaw ni Army’s 601st Infantry Brigade Commander Col. Medardo Geslani, na panandalian lamang hinarang ang mga mamamahayag dahil marami pang bomba na nakatanim sa highway bilang bahagi ng security measures.
“Hindi pa clear ‘yung ruta, maraming improvised explosive device (IED) na itinanim ang MILF rogue elements, kaya hindi sila pinapasok kaagad, mahirap na eh, kargo (responsibility) natin ‘yung may mangyari sa kanila,” paliwanag ni Geslani sa phone interview. Tinukoy pa ng opisyal na sa ilang linggong operasyon laban sa grupo ng pasaway na si 105th Base Commander Ameril Umbra Kato, aabot na sa 45 bomba ang narekober ng tropa ng militar. - Joy Cantos