Dengue outbreak: 3 bata todas
NUEVA VIZCAYA, Philippines – Tatlong mag-aaral ang iniulat na namatay matapos tamaan ng dengue habang maraming iba pa ang isinugod sa ospital sa Santiago City, Isabela.
Idineklara na ng health department ng Santiago City na dengue outbreak sa buong lungsod dahil sa pagkamatay ng tatlong bata kabilang ang isang grade 1 pupil na si Francine Obra sa katabing bayan ng Ramon.
Sa tala ng Santiago City health office na pinamumunuan ni Dr. Ramonchito Bayang, umaabot na sa 181 kaso ng dengue mula Enero hanggang Hunyo kung saan sa 30-katao na tinamaan noong Mayo 2009 ay lumobo sa bilang na 67 nitong buwang kasalukuyan.
Kabilang sa mga barangay na may pinakamataas na kaso ng dengue ay ang Balintocatoc, Rizal, Rosario, Victory Norte at ang Barangay Calaocan.
Samantala, idineklara naman na ligtas ang 17-katao na na-ospital mula sa Sitio Kawakan, Capirpirwan, Cordon, Isabela matapos madale ng dengue virus.
Kasunod nito, naalarma na rin ang Department of Health sa Tuguegarao City dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga biktima na nadale ng dengue sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at sa Quirino. (Victor Martin)
- Latest
- Trending