KIDAPAWAN CITY, Philippines – Tatlo-katao ang kinarit ni kamatayan, habang labinlimang iba pa ang nasugatan makaraang pasabugin ang loob ng palengke kahapon ng umaga sa Barangay Kitango sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Kabilang sa mga napuruhan ng shrapnel ng bomba at nasawi ay ang tindero ng sigarilyo na si Melempanuk Nunukan, 65; at ang gasoline retailer na si Thong Hadji Omar, 28 samantala, ang isa pa ay kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan.
Sugatan naman sina Hadji Mansor Haj Radzak, 80; Toto Mamansual, 45; Kenong Dumag, 30; Moren Musa, 42; Hadji Fatima Had Kaka, Ibno Abdulkadir, 55; Hadji Akas Guiamblang, 61; at si Naima Omar, 13 habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng ng iba pa.
Ayon kay Lt. Col. Jonathan Ponce, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, itinanim ang bomba sa basurahan na nasa harap ng Lanang Bakery at Coffee Shop sa loob mismo ng palengke sa Barangay Kitango.
Ang bomba gawa sa bala ng 81mm mortar at gumamit ng mobile phone bilang triggering device.
Napag-alamang hawak na rin ng mga tauhan ng Explosives and Ordnance Disposal ng Army’s 6th Infantry Division ang isa pang bomba na narekober sa nasabing lugar kung saan nagmintis kaya hindi sumabog.
Ang pagsabog sa bayan ng Maguindanao ay pangatlo na sa Central Mindanao, simula noong Sabado kung saan nagsilikas ang ilang residente sa nasabing barangay.
Noong Sabado, pinasabog naman ang bus terminal sa Tacurong City sa Sultan Kudarat, na nagresulta sa pagkasugat ng 11-katao.
Makalipas ang 3-oras, isa pang bomba ang sumabog sa loob ng Rural Transit Bus (KVS 769) sa bayan ng Kabacan, North Cotabato kung saan walang iniulat na nasugatan.
Inako ng grupong Al Khobar ang mga pagsabog sa Central Mindanao, ayon kay P/Chief Insp. Franklin Anito, hepe ng Kabacan PNP.