SAN PABLO CITY, Laguna, Philippines – Inutusang magmulta ang isang hukom matapos hatulan ng guilty sa kasong libel na isinampa laban sa kanya ng babaeng prosecutor sa Laguna.
Sa 56-pahinang desisyon na ipinalabas ni Judge Agripino Morga ng San Pablo City Regional Trial Court Branch 32, inutusan nitong magmulta si Judge Medel Arnaldo Belen ng Calamba City Regional Trial Court ng P3,000 dahil sa kasong libel na isinampa laban sa kanya ni San Pablo City Prosecutor Marivic Lagman.
Nag-ugat ang kaso matapos magdemanda si Lagman makaraang yurakan ang kanyang pangalan, dignidad at reputasyon kung saan akusahan ng masasakit na salita na nakasaad sa isang pleading ni Belen sa preliminary investigation.
Batay sa affidavit na na kalap ng PSNgayon, hinawakan ni Lagman ang preliminary investigation sa kasong theft at estafa na isinampa ni Judge Belen laban sa kanyang mga kamag-anak noong October 24, 2003.
Napag-alamang idinismis ni Lagman ang naturang kaso na ikinagalit ng hukom hanggang sa magsumite ito ng isang Omnibus Motion para sa motion for reconsideration at kahilingang ma-disqualify si Lagman sa paghawak ng kaso.
Nagulat na lang si Lagman nang mabasa nito ang motion ni Judge Belen na naglalahad ng mga makasirang puring salita na nagbunsod para magsampa ito ng kasong libel.
Kabilang sa mga katagang inireklamo ni Lagman ay ang-“partiality and stupidity, manifest bias for 20,000 reasons; “The investigating fiscal’s stupidity was clearly manifest in her moronic resolution to dismiss the complaint; unfortunately the investigating fiscal’s wrongful assumptions were tarnished with silver ingots.”
Kasama rin ang mga pangungusap na “She (Lagman) is also clearly an intellectually infirm or stupidly blind; corrupted imagination; “the slip of her skirt shows a corrupted and convoluted frame of mind-a manifest partiality and stupendous stupidity in her resolution.”
Sinikap namang kunin ng PSNayon ang panig ni Judge Belen pero tumanggi itong magpa-interview. (Arnell Ozaeta)