KIDAPAWAN CITY, Philippines – Labing-isang sibilyan ang iniulat na nasugatan makaraang pasabugin ng mga ‘di-pa kilalang grupo ang pampublikong terminal sa Tacurong City, Sultan Kudarat kahapon ng umaga.
Sa ulat ng regional spokesman na si P/Senior Inspector Alexander Sarabia, itinanim ang improvised explosive device sa bisinidad ng Takurong Integrated Public Terminal kung saan sumambulat bandang alas-10:15 ng umaga.
Kaagad naman naisugod ang mga sugatang biktima sa Quijano Hospital sa Tacurong City.
Ayon naman kay Lt. Col. Jonathan Ponce, spokesperson ng 6th ID, mga operatiba ng Special Operations Group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ilalim ng command ni Bassit Usman, ang nasa likod ng pinakabagong pambobomba sa Central Mindanao, kung saan itinanggi ng spokesman ng MILF na si Eid Kabalu.
Samantala, makalipas ang 2-oras, isa pang improvised explosive device ang sumabog sa terminal ng Rural Transit Bus sa Kabacan, North Cotabato, kahapon ng tanghali.
Itinanim ang bomba sa likurang bahagi ng Rural Transit Bus na may plakang KVS 769 kung saan narekober sa blast ang mobile phone, 9-volt battery, at switch na nakalagay sa hand pouch na kulay pula, ayon sa ulat ni P/Chief Insp. Franklin Anito, hepe ng Kabacan PNP.
Posibleng extortion ang sinasabing isa sa motibo ng pagpapasabog ng terminal ng Rural Transit.