MANILA, Philippines – Basag ang bungo ng isang 23-anyos na estudyanteng Iranian matapos itong tumalon mula sa ikaanim na palapag ng hotel sa Brgy. Gun-ob, Lapu-Lapu City, Cebu noong Miyerkules ng umaga. Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Mariano Natuel, ang biktima na si Ashik Iqbal, na natukoy sa pamamagitan ng identification card na naiwan nito sa beach resort na una nitong tinuluyan. Sa pahayag ng isang kawani ng Crown Regency Hotel na si Ronald Ferrate, nagtanong ang biktima ng room rates kaya ineskortan niya ito sa 3rd floor para makita ang mga room pero nagpumilit na magtungo sa ikaanim na palapag. Habang ipinakikita ni Ferrate ang Room 616 sa biktima ay tinalikuran siya nito at saka bigla na lamang tumalon na labis na ikinabigla ng una. Napag-alamang tulala ang biktima nang magpahatid sa taxi driver sa nasabing hotel. - Joy Cantos