Ambus: Bokal, 3 pa bulagta
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Apat-katao kabilang na ang isang bokal at dating barangay chairman ang iniulat na napatay makaraang tambangan ng mga di-pa kilalang kalalakihan sa barangay fiesta sa San Pablo City, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa napaslang ay si San Pablo City Councilor Danny Yang, 45, ng Teomora St. Phase 2, Brgy. San Gabriel, at concurrent Board Member ng Laguna 3rd District.
Kasama ding nasawi ang bodyguard ni Yang na si Brando Delos Santos, 54, at ang political supporter na si ex-Barangay Chairman Manolo Barcenas, 53.
Sugatan naman ang isa pang bodyguard ni Yang na si Jovy Lopez at Mark Edward Herrera, 17, matapos tamaan ng ligaw na bala at kapwa ginagamot sa Pagamutang Panlalawigan ng Laguna.
Ayon kay P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, dadalo sana sa programa ang grupo ni Yang sa Bautista Elementary School nang ratratin ng mga armadong kalalakihan bandang alas-9 ng gabi.
Napag-alamang katatapos lang maghapunan ang grupo ni Yang sa bahay ni Chairwoman Evelyn Samson at habang patungong eskwelahan para manuod ng amateur singing contest nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril.
Nakaganti naman ng putok ang driver-security ni Yang na si Rommel Viterbo at napatay nito ang isa sa mga killer na inaalam pa rin ang pagkakakilanlan.
Nakaligtas naman si Chairwoman Samson na nasa tabi lang ni Yang nang maganap ang barilan.
Samantala, malaki naman ang paniniwala ng mga political observer na politically motivated ang pagpaslang kay Councilor Yang dahil sa plano nitong pagtakbo sa pagka vice mayor ng San Pablo City sa 2010 elections.
Si Yang ay ibinoto bilang Presidente ng Laguna Councilors League na nagbigay sa kanya ng puwesto para maging board member ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna.
Kaugnay nito, binuo naman ang Task Force Danny Yang upang resolbahin ang krimen at maaresto ang mga nakatakas na gunmen. - Dagdag ulat ni Ed Amoroso
- Latest
- Trending