MANILA, Philippines - Kalaboso ang binagsakan ng limang kalalakihan kabilang na ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang pulis makaraang makumpiskahan ng iba’t ibang uri ng baril at granada sa PNP checkpoint sa Brgy. Timalan Balsahan, Naic, Cavite noong Lunes ng gabi.
Kabilang sa mga suspek na kinasuhan habang nakapiit ay sina Ronnie “Estong” Madlangbayan, Orlando Olano, Bob Ambro, Rogelio Alfaro, at si Rodrigo Alfaro.
Si Madlangbayan ay sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay kay PO3 Cesar Perillo noong Setyembre 20, 2008 sa Soriano Highway sa Brgy. San Roque sa bayan ng Naic, Cavite.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, si Madlangbayan at apat pa nitong kasamahan ay naaresto ng mga awtoridad sa checkpoint habang lulan ng pribadong sasakyang walang plaka.
Nang sitahin sa checkpoint ay sinabi ng mga suspek na residente sila ng Malabon City, Manila pero namukhaan si Madlangbayan ng isa sa arresting team.
Nasamsam sa mga suspek ang M14 Armalite rifle, granada, spare magazines, mga bala ng baril, 2-video camera at mobile phones. Joy Cantos