6 dedo sa away-trapiko
CAVITE, Philippines – Dahil sa sinasabing simpleng away-trapiko, anim-katao kabilang na ang tatlo na malapit na kamag-anak ni Senator Bong Revilla ang kumpirmadong napatay makaraang magbarilan ang dalawang pamilya sa bayan ng Imus, Cavite kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Supt. Ulysses Cruz, kabilang sa mga nasawi ay sina Raul Bautista, 68; mga anak na sina Raulindo “Raffy” Bautista at Richie Allen Bautista, 45; Michael Salanguit, 41, pawang nakatira sa Brgy. Palico, sa bayan ng Imus.
Patay din ang mag-amang sina Sowaib Salie, 68; at Mahmod “Macky” Sultan na kapwa nakatira sa Brgy. Bayan Luma, Imus.
Napag-alamang nagdidiskarga ng yelo ang mag-aamang Bautista sa kalsadang papasok ng palengke nang businahan naman ng mag-amang Sowaib at Mahmod na nooy sakay ng Toyota Revo kung saan nahaharangan ng sasakyang owner-type jeep ng pamilya Bautista.
Sinasabing nagalit si Raul sa sunud-sunod na busina ng mag-amang Salie kung saan umabot sa mainitang komprontasyon at nauwi sa pagbabanta ng bawat isa bago lumisan sa nabanggit na lugar.
Bandang alas-9:30 ng gabi, nang bumalik sa palengke ang mag-aamang Bautista kasama ang drayber na si Salanguit na pawang armado ng mga baril para tugisin ang nakasagutang mag-amang Salie na nooy mga armado rin ng baril.
Nang mag-abot ang dalawang pamilya, nagsimulang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at nang mahawi ang usok, ay duguang bumulagta ang mga biktima.
Namatay naman habang ginagamot sa Our Lady of Pillar Hospital si Salangui.
Ang pamilya Bautista ay nagmamay-ari ng ice plant sa bayan ng Imu, samantalang may negosyo namang tindahan ng celpon at DVDs ang mag-amang Salie.
Base sa impormasyon ng pulisya, may matagal ng alitan ang dalawang pamilya hanggang sa umabot sa barilan. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)
- Latest
- Trending