CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dahil sa matinding galit nagawang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang mag-asawa ng kanilang kapitbahay na mister kahapon ng umaga sa Barangay Canlubang, Calamba City, Laguna.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manulito Labador, Laguna police director, ang mag-asawang sina Mar Asido, 46, security guard at asawa nitong si Elizabeth Asido, 35, kapwa naninirahan sa Block 10, Lot 7 sa Sitio Palao ng nabanggit na barangay.
Lumilitaw sa police report, katatapos lamang mag-almusal ng mag-asawang Asido nang biglang dumating ang suspek na si Andy Godines, 51, na armado ng 9mm na baril bandang alas-9: 45 ng umaga.
Sa salaysay ng anak ng mag-asawang Asido na si Mark Brian, 14, kitang-kita niya ng pagbabarilin ang kanyang mga magulang na unang napatay kaagad ang kanyang ina.
Naitakbo pa sa Calamba Trauma Center ang ama nitong si Mar pero namatay din ito dahil sa mga tama ng bala ng baril sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Mabilis namang naaresto ang suspek na si Godines ng mga barangay tanod at pulisya.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagawa ng suspek ang pamamaril dahil sa sinasabing pang-iinsulto sa kanya ni Mar sa tuwing sila ay magkikita.
Nahaharap sa kasong double murder ang sus pek na kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng pulisya. (Dagdag ulat ni Ed Amoroso)