CAVITE, Philippines – Himalang nabuhay ang isang mister makaraang dukutin, sakalin, barilin at itinapon ng tatlong kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Bolbok Bridge, Barangay Esperanza Ibaba, Alfonso, Cavite.
Ang biktima ay nakilalang si Hubert Gamboa, 35-anyos at residente ng Barangay 2, Indang, Cavite.
Nakilala naman ang mga suspek sa alyas nitong Jaspher, Ben at isang hindi nakilalang lalaki na ang suot na pang ibaba ay pantalon ng Philippine National Police.
Nabatid sa pulisya na ang biktima ay dinukot at sapilitang isinakay sa isang kotse na hindi nabatid ang numero ng plaka ng tatlong kalalakihan na armado ng maiksing baril dakong alas-9:00 ng gabi at habang ito ay nasa loob ng kotse ay binibigti ng nylon cord ang leeg ng biktima.
Nagpupumiglas ang biktima at nagkunwari itong patay na kaya pagsapit sa tulay ng Bolbok ay inihulog siya rito at bago iwanan ay dalawang ulit na binaril sa may tiyan.
Laking tuwa naman ng pamilya ng biktima nang mabuhay pa ito matapos na tangkaing paslangin. Hindi pa mabatid ng pulisya ang motibo ng mga suspek na patuloy pa ring tinutugis. (Cristina Timbang)