MANILA, Philippines - Ilang oras matapos na dukutin, nailigtas ng mga operatiba ng pulisya ang isang magkapatid kasunod ng pagkakaaresto sa apat na kidnappers na hinihinalang miyembro ng isang kidnap for ransom gang matapos maharang sa checkpoint ang behikulong sinasakyan ng mga ito sa Urdaneta City, Pangasinan kamakalawa.
Inireport ni Police Regional Director Chief Supt. Ramon Gatan na kinilala ang nasagip na magkapatid na sina Zenaida at Cecilia Gasa, pawang residente ng Rosario, La Union.
Sinabi ng pulisya na hinarang ang makapatid ng mga armadong kidnappers habang lulan sila ng Toyota Hi Ace van sa kahabaan ng highway ng Rosario dakong alas-4:15 ng hapon ng Huwebes.
Pinaandar ng mga suspek na sina Mark Rey Bautista, 25-anyos ng Maynila; Edwin Solis, 23 ng Marikina City; Jayson Ceneta, 22, ng Pasay City at Arjay Afable ng Janiway, Iloilo ang sasakyan ng mga biktima na namataang pinasibad patungo sa Pangasinan.
Agad namang naglatag ng checkpoint ang Pangasinan Provincial Police Office hanggang masabat ang mga suspek sa bahagi ng Maharlika Highway, Barangay San Vicente, Urdaneta City.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang masukol ng pulisya.
Nasamsam mula sa mga suspect ang isang Armscor cal. 45 pistol, packaging tapes at dalawang bag na naglalaman ng mga damit ng mga suspek.