CAMARINES NORTE, Philippines — Isa na namang negosyante ang iniulat na napaslang matapos barilin ng mga holdaper kamakalawa ng gabi sa bisinidad ng Happy Homes Pasig Subd. sa Brgy 2, Daet, Camarines Norte. Napuruhan sa dibdib si Edgardo Guieb, 41, may-ari ng tindahan sa pamilihang bayan ng Daet. Base sa police report, lumilitaw na nag-scooter ang biktima papasok ng nabanggit na subdibisyon mula sa kanyang tindahan sa palengke nang harangin ng dalawang ‘di-kilalang lalaki. Napag-alamang pumalag ang biktima kaya napilitang barilin ng isa sa dalawang holdaper. Natangay sa biktima ang clutch bag na naglalaman ng P.2 milyon na sinasabing kinita sa paninda sa palengke. Matatandaang noong nakalipas na Linggo ay isa pang trader na si Eduardo San Juan ang binaril at napatay ng mga holdaper sa Brgy. Guisican sa bayan ng Labo. - Francis Elevado