KIDAPAWAN CITY, Philippines — Isang kasisilang pa lang na sanggol ang iniwan ng ‘di nakikilalang babae sa rural health center sa Barangay Manongol, Kidapawan City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Barangay Chairwoman Beatriz de Villa, ang sanggol ay nakabalot sa lampin na may bahid pa ng dugo at may ng mga bulaklak na amorsiko.
Napag-alamang nagpaalam ang ina na may bibilhin lang sandali sa palengke subalit ‘di na ito bumalik kaya duda si de Villa na sadyang iniwan ang sanggol sa hindi nabatid na dahilan.
Sa pahayag ng barangay midwife na si Lani Meloria, nagmamadaling umalis ang isang babae na may apelyidong Hernandez ng Purok 2 sa nabanggit na barangay.
Pero duda si Meloria na pawang mali ang impormasyong ibinigay ng babae sa health center at walang balak na balikan pa ang sanggol.
Kaagad naman dinala sa City Hospital ang sanggol para sumailalim sa new born screening. - Malu Manar