CAVITE, Philippines — Maagang nagwakas ang buhay ng isang batang mag-aaral matapos mapatay sa gulpi ng kanyang ama dahil sa kahinaan ng ulo sa pag-aaral kamakalawa sa bayan ng Tanza, Cavite.
Ayon kay P/Inspector Jender Mercado, deputy chief ng police sa Tanza, naghihimas na ng rehas na bakal ang suspek na si Ronald Dayap, 34, ng Block 3, Lot 20, Phase 2 St. Agustin Village, Daang Amaya 2, Tanza, Cavite matapos nitong mapatay ang sariling anak na si Aldrin Dayap, 7, grade 1 pupil.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumilitaw na pinag papalo ng ilang ulit ng suspek ang kanyang anak na sinasabing umabot ng ilang oras bago tigilan sa panggugulpi noong hindi ito nakakasagot sa mga tanong habang tinuturuan nito sa pagbabasa ng Eng lish at pagbibigkas ng abakada noong Martes ng gabi.
Subalit noong Miyerkules, bandang alas-9 ng umaga, pakakainin na sana ng ina ang biktima pero hindi na ito magising.
Sa isinagawang otopsiya ng mga awtoridad, lumilitaw na nagtamo ng mga pinsala sa ulo at sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang bata dahil sa paghataw ng dos-por-dos ng sarili nitong ama.
May nakarinig namang ilang kapitbahay na may ilang oras ding ginulpi ang bata bago pa tumigil ang ama.
Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang ama ng bata dahil na rin sa isinampang reklamo ng ina sa himpilan ng pulisya.
Nakapiit na sa Tanza police station ang suspek matapos itong boluntaryong sumuko at handang harapin ang nagawang krimen.