BATANGAS, Philippines – Dalawang dating pulis at isang guro ang iniulat na napaslang makaraang tambangan ng mga ’di-kilalang kalalakihan sa magkahiwalay na karahasang naganap sa Lipa City at Batangas City, Batangas kahapon at kamakalawa.
Kabilang sa mga napatay ay sina ex-SPO4 Balbino Claus ng Barangay Pallocan, Batangas City; at si Patrolman Alex Reyes, 48, ng Brgy. Maraouy, Lipa City at dating miyembro ng Lipa police station.
Napatay din ang ka-live-in ni Claus na si Serapia Soriano, guro sa grade 3 ng Malalim Elementary School matapos tamaan ng bala sa ulo na naisugod pa sa Jesus of Nazareth Hospital.
Ayon kay P/Supt. Jesus Gatchalian, provincial director ng Batangas PNP, bandang alas-6:30 ng umaga kahapon, ihahatid na sana ni Sgt.Claus si Soriano at ang 10-taong gulang na apo sa school sakay ng owner-type jeep (DTH-997) nang ratratin ng mga armadong kalalakihan sa bahagi ng Barangay Malalim, Batangas City.
Sa salaysay ng mga saksi, tumakas ang gunmen sakay ng puting kotse patungo sa ’di-pa malamang direksyon.
Samantala, pinagbabaril naman si Reyes habang nagmomotorsiklo sa Ayala Highway ng Brgy. Balintawak, Lipa City bandang alas-4:00 ng hapon kamakalawa
Tumakas naman ang mga killer sakay ng puting L-300 van patungong Manila.
Inaalam pa rin ng mga imbestigador ng pulisya ang motibo ng pamamaslang. Arnell Ozaeta