MANILA, Philippines – Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang negosyante habang nasa kritikal namang kondisyon ang misis nito makaraang pagtatagain ng kanilang helper na sinibak sa trabaho kamakalawa sa bayan ng Sto. Tomas, Pampanga.
Halos magkagutay-gutay ang ilang bahagi ng katawan ni Elmor Paras, 64, habang patuloy na ginagamot sa ospital ang asawa nitong si Adelaida, 58.
Naaresto naman at pormal na kakasuhan ang suspek na si Jeffrey “Jepoy” de Guzman, 24, ng Barangay Sto. Do mingo, sa bayan ng Minalin.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, lumilitaw na isinagawa ang krimen sa loob ng restaurant na pag-aari ng mag-asawa sa Barangay Moras dela Paz sa bayan ng Sto. Tomas.
Nabatid na si De Guzman ay namasukan bilang dishwasher sa restaurant ng mag-asawa sa loob ng isa’t kalahating buwan subalit nasibak dahil sa sinasabing palaging absent sa trabaho.
Nang makiusap at gustong bumalik sa trabaho si de Guzman ay tumanggi na ang mag-asawa kaya’t sumalubong si kamatayan sa negosyanteng mister habang grabe naman ang misis nito.