NBI agent na lider ng kidnap-for-ransom gang tugis
MANILA, Philippines - Isang malawakang manhunt operations ang inilunsad kahapon ng pinagsanib na elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa isang agent ng National Bureau Investigation (NBI) na pinaniniwalaang lider ng big time kidnap-for-ransom (KFR) gang.
Kinilala ang tinutugis na suspek na si NBI agent III Junnel Malaluan, gayundin ang ka-live-in nito na si Khaye Macy Mendoza at si Barani Memoracion na positibong kinilala ng biktimang si Sowaib Musa y Tago, 20, tubong Marawi City, Lanao del Sur at naninirahan sa Block 85, Lot 2, Brgy 188 Tala, Caloocan City.
Ayon kay P/Chief Supt. Raul Castaneda, director ng PNP-CIDG, si Musa ay dinukot ng mga suspek na nagpakilalang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sakay ng berdeng Toyota Tamaraw van noong Hunyo 8 sa Phase 2, Malaria, Caloocan City.
Sa loob ng Van inatasan ng mga suspek ang biktima na tawagan ang asawa at maghanda ng P.3 milyon ransom.
Dahil sa takot ng asawang si Raihanei Abusamad-Musa ay nakipagtawaran ito sa mga kidnaper at naibaba sa P.1milyon kung saan ipinadala naman sa Western Union sa pangalan ng isang Barani Memoracion pero hindi pa rin pinalaya ang biktima.
Noong Hunyo 13 ng gabi nakatakas ang biktima kaya naipagbigay-alam sa kinauukulan ang insidente kung saan ni-raid naman ang kuta ng mga suspek sa Pasong Buaya 2, Imus Cavite.
Naaresto ang dalawa sa limang suspek na sina Jamarie Arceo at Mildred Dollete na kapwa naninirahan sa Pasaje San Miguel, Tarlac City.
- Latest
- Trending