LAOAG CITY, Ilocos Norte, Philippines – Hindi lilipas ang isang araw na walang pinapatay sa Ilocos Norte kung saan isa na namang abogado ang pinagbabaril hanggang sa mapatay noong Biyernes sa bahagi ng Barangay Calambeng sa bayan ng Piddig sa Ilocos Norte. Napag-alamang nagpaalam ang biktimang si Atty. Eddie Gregorio sa kanyang kaibigang lawyer para makipagpulong sa isang kliyente subalit sinalubong siya ni kamatayan. Ayon sa ilang nakasaksi sa krimen, nilapitan ang biktima ng ‘di-pa kilalang lalaki bago pinagbabaril.
Matatandaang isang pulis ang binaril at napatay sa harap ng cockpit arena sa bayan ng Dingras, kung saan makalipas lamang ng isang linggo ay tinambangan at napatay ang isa na namang pulis sa bayan ng Batac, Ilocos Norte.
Niratrat at napatay naman ang mag-ama sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng Solsona.
Isinisi naman ng pulisya ang nagkalat na baril na walang kaukulang dokumento sa nabanggit na lalawigan partikular na ang guns-for-hire. Artemio A. Dumlao