Douglas Quijano, natagpuang patay
LUCENA CITY, Quezon, Philippines – Natagpuang patay sa kanyang kuwarto ang sikat na movie at television talent manager na si Douglas Quijano kahapon ng umaga sa bayan ng Lucban, Quezon.
Ayon kay P/Senior Inspector Francis Pasno, Lucban police chief natagpuan si Quijano, 65, ng kanyang mga kasambahay na nakahandusay sa sahig ng kanyang kuwarto sa Countryville Subdivision sa Brgy. Ayute bandang alas-10 ng umaga.
Napag-alamang masama na umano ang pakiramdam ni Quijano noong Biyernes ng gabi matapos makaramdam ng pangi nginig ng kanyang katawan bago matulog.
“Sinabihan pa nga ng mga kasambahay na dadalhin nila sa ospital pero tumanggi na ito at natulog na lang,” pahayag ni Pasno
Nagtaka na lang ang mga kasambahay ni Quijano nang hindi pa nagigising ang kanilang amo noong Sabado ng umaga na nagbunsod para nila ito katukin sa kuwarto.
Nang hindi sumasagot si Quijano, pinasok na ito ng mga kasambahay kasama ang driver at natagpuan na lang ang kanilang amo sa gilid ng kama.
Agad namang ipinaalam ng mga kasama ni Quijano sa kaibigan at kapitbahay nilang si Rodrigo Pabino na siya namang nagpunta sa police station para I-report ang insidente.
Sa inisyal na ulat ng Scene of the Crime Operatives, namatay si Quijano dahil sa cardiac arrest at isinasantabi ang foul play dahil wala namang force entry at kaguluhang naganap sa loob ng kuwarto ng biktima.
Si Quijano ay talent manager ng mag-asawang Richard Gomez at Lucy Torres, mag-utol na Jomari at Anjo Yllana, Joey Marquez at maraming iba pa. - Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending