MANILA, Philippines – Umaabot sa sampung rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades, ang iniulat na na paslang habang 20 iba pa ang nasugatan makaraang sumiklab ang panibagong sagupaan sa pagitan ng militar at ng mga rebelde sa kagubatang sakop ng Brgy. Kateman, sa bayan ng Talayan, Maguindanao noong Biyernes.
Ayon kay Armys’ 6th Infantry Division spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce, naka sagupa muli ng Army’s 601st Infantry Brigade sa pamumuno ni Col. Medardo Geslani, ang mga rebeldeng MILF renegades kung saan tumagal ng 2-oras bago nagpulasan ang grupo ng 105th Base Command na pinamunuan ni Kumander Ameril Umbra Kato bitbit ang mga sugatang kasamahang rebelde.
Bandang alas-5:45 ng hapon nang makasagupa ng tropa ni Geslani ang isa pang grupo ng MILF renegades sa liblib na bahagi ng Brgy. Ahan, sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao na tumagal naman ng isang oras.
Natagpuan sa encounter site ang sampung bangkay ng rebeldeng MILF matapos ang air-ground strikes habang wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng militar, ayon pa kay Ponce.
Si Commander Kato ay may patong sa ulo na P10 milyon kaugnay ng madugong pag-atake sa pitong bayan sa North Cotabato noong Agosto 2008. - Joy Cantos