10 Sayyaf, 6 pa utas sa Sulu encounter

MANILA, Philippines – Umaabot sa sampung bandidong Abu Sayyaf na sinasabing dumukot  sa mi­yembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na si Italian Eugenio Vagni, ang iniulat na napas­lang sa panibagong sagu­paan sa kagubatang sakop ng Barangay Sionogan sa bayan ng Parang, Sulu ka­hapon ng umaga.

Sa phone interview, ki­numpirma ng hepe ng regional Army command na si Lt. Gen. Nelson Allaga, na nasa sampung bandido ang napatay na karamihan ay binitbit ng mga nagsitakas nilang kasamahan habang nagtamo rin ng malaking bilang ng mga sugatan ang mga kalaban.

Napag-alaman din na aabot sa limang sundalo ng Philippine Marines at isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ang napaslang habang 12 pa ang nasuga­tan sa security forces ng tropa ng pamahalaan sa pagsiklab ng panibagong bakbakan.

“ At least 10 Abu Sayyaf kidnappers  were killed in the firefight and scores were wounded,” ani Allaga na sinabi pang posibleng tu­maas pa ang bilang ng na­lagas sa mga kalaban ha­bang patuloy pa ang clearing operations sa encounter site 

Sampu namang tauhan ng Philippine Marines ang nasugatan na ngayon ay nasa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City ha­bang ang dalawang nasu­gatang SAF ay nakilala na­mang sina  SPO1 Abdulla Sa­rahadil Tuttuh at Amin Pala.

Napag-alamang nakasa­gupa ng pinagsanib na ele­mento ng 3rd Marine Brigade at PNP -Special Action Force (PNP-SAF) sa follow-up ng surgical operations ang grupo ng Abu Sayyaf sa pa­mumuno ni Albader Parad.

Ang grupo ni Parad ay sinasabing responsable sa pagbihag sa tatlong ICRC member na kinabibilangan ng nalalabing kidnap victim na si Vagni noong Enero 15 sa bayan ng Patikul, Sulu.

Nagpapatuloy naman ang opersyon para masagip ang nanatiling bihag na si Vagni. - Joy Cantos


Show comments