10 Sayyaf, 6 pa utas sa Sulu encounter
MANILA, Philippines – Umaabot sa sampung bandidong Abu Sayyaf na sinasabing dumukot sa miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na si Italian Eugenio Vagni, ang iniulat na napaslang sa panibagong sagupaan sa kagubatang sakop ng Barangay Sionogan sa bayan ng Parang, Sulu kahapon ng umaga.
Sa phone interview, kinumpirma ng hepe ng regional Army command na si Lt. Gen. Nelson Allaga, na nasa sampung bandido ang napatay na karamihan ay binitbit ng mga nagsitakas nilang kasamahan habang nagtamo rin ng malaking bilang ng mga sugatan ang mga kalaban.
Napag-alaman din na aabot sa limang sundalo ng Philippine Marines at isang miyembro ng Special Action Force (SAF) ang napaslang habang 12 pa ang nasugatan sa security forces ng tropa ng pamahalaan sa pagsiklab ng panibagong bakbakan.
“ At least 10 Abu Sayyaf kidnappers were killed in the firefight and scores were wounded,” ani Allaga na sinabi pang posibleng tumaas pa ang bilang ng nalagas sa mga kalaban habang patuloy pa ang clearing operations sa encounter site
Sampu namang tauhan ng Philippine Marines ang nasugatan na ngayon ay nasa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City habang ang dalawang nasugatang SAF ay nakilala namang sina SPO1 Abdulla Sarahadil Tuttuh at Amin Pala.
Napag-alamang nakasagupa ng pinagsanib na elemento ng 3rd Marine Brigade at PNP -Special Action Force (PNP-SAF) sa follow-up ng surgical operations ang grupo ng Abu Sayyaf sa pamumuno ni Albader Parad.
Ang grupo ni Parad ay sinasabing responsable sa pagbihag sa tatlong ICRC member na kinabibilangan ng nalalabing kidnap victim na si Vagni noong Enero 15 sa bayan ng Patikul, Sulu.
Nagpapatuloy naman ang opersyon para masagip ang nanatiling bihag na si Vagni. - Joy Cantos
- Latest
- Trending