10 sundalo nilason ng MILF
MANILA, Philippines – Gumagamit na rin ng biological weapon ang mga rebel deng Moro Islamic Liberation Front.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Armed Forces of the Philippines-Public Information Chief Lt. Col. Romeo Brawner na nagsabi na hinaluan ng lason ng MILF ang isang water spring o balon na suplay ng tubig sa Guindulungan, Maguindanao habang hinahabol ng mga sundalo noong Lunes.
Dahil dito, 10 scout ranger ng Philippine Army ang nalason nang uminom ng tubig sa naturang bukal habang hinahabol ang grupo ni MILF Commander Ameril Umbra Kato.
Kinondena ni Brawner ang ginawa ng MILF dahil labag anya ito sa panuntunan sa giyera.
Ilang oras matapos na makainom ng tubig ang mga sundalo ay nakaramdam ang mga ito ng pagkahilo, pananakit ng tiyan, ulo at matinding pagsusuka.
Agad silang isinugod sa Camp Siongco Station Hospital sa Awang, Maguindanao.
Gayunman, sinabi ng opisyal na wala namang nadamay na sibilyan sa insidente dahil nagsili kas ang mga residente ng nasabing lugar para makaiwas na maipit sa labanan ng mga rebelde at ng mga sundalo. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending