CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Tatlo-katao ang kumpirmadong nasawi habang apat na iba pa ang malubhang nasugatan makaraang masalpok ng pampasaherong bus ang traysikel sa highway ng Barangay New Moriones, sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur kahapon.
Kabilang sa mga namatay ay sina Allan Bravante, drayber ng traysikel; Marvin Ilarde, 17; at si Eugenio Vega, 17; samantalang ginagamot naman sa Bicol Medical Center sina Ana Luna Albao, Monica Chavez, Mark John Calung, at si Mark Joseph Bas na pawang mga residente ng Brgy. Himaao, ng nabanggit na bayan.
Base sa police report, nag-overtake ang traysikel ng mga biktima na patungong bayan ng Sangay sa sinusundang truck nang makasalubong ng JC Liner Bus kaya naganap ang trahedya.
Sumuko naman ang drayber ng bus na si Ronaldo Bagansala at nakatakdang kasuhan. (Ed Casulla)