CAMARINES NORTE, Philippines – Labing-apat na taong pagkabilanggo ang inihatol ng korte sa tatlong kalalakihan matapos mapatunayang pumatay sa isang drayber at pagnanakaw ng traysikel nito noong Agosto 1999 sa Brgy. Mambalite sa bayan ng Daet, Camarines Norte.
Sa 12-pahinang desisyon ni Judge Roberto A. Escaro ng Daet Regional Trial Court Branch 38, bukod sa pagkakulong ay pinagbabayad ng P.3 milyon bilang danyos perwisyo ang mga akusadong sina Rene Abarca, Randy Roncesvalles at Homer Pesit sa pamilya ng biktimang si Ferdinand Bello.
Sa rekord ng korte, lumilitaw na pinagtulungang patayin ng tatlo ang biktima noong gabi ng August 25, 1999, bago ninakaw ang traysikel ng huli. Lingid sa kaalaman ng tatlo ay namataan ng isang lalaki ang krimen kaya tumayong testigo sa korte laban sa mga akusado.
Pinawalang sala naman sina Allan Roncesvalles at Rey Fernandez dahil sa kakulangan ng ebidensya. (Francis Elevado)