CEBU, Philippines – Napaslang sa umaatikabong bakbakan ang isang sub-lider ng mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa pagdukot sa nailigtas na hostage na si Sri Lankan peace worker Umar Jaleel sa bayan ng Tipo-Tipo, Basilan noong Biyernes ng gabi. Kinilala ang napaslang na suspek na si Alimari Alamerol, sub kumander ni Abu Sayyaf leader Furuji Indama. Sa ulat ni Task Force Trillium spokesman Marine Captain Neil Anthony Estrella, nakasagupa ng Joint Task Force Trillium ang mga bandidong kidnaper sa liblib na bahagi ng Brgy. Baguindan kung saan napatay si Alamerol na narekober ang bangkay sa clearing operation. Sa kasalukuyan ay bihag pa rin ng mga bandido ang isang kawani ng lending firm at tatlong guro. - Joy Cantos