BATANGAS, Philippines — Sugatan ang isang hayskul teacher matapos barilin ng ‘di-pa nakikilalang lalaki sa loob ng school ground sa Batangas City, Batangas kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director ang biktimang si Pio Magpantay, 56, ng San Jose, Batangas at guro sa Navera National High School. Ayon sa police report, lumilitaw na nagmamasid si Magpantay sa mga estudyanteng papauwi na nang lapitan at barilin habang nasa compound ng eskwelahan sa may Barangay Concepcion bandang alas-5:45 ng hapon. Mabilis na nakatakas ang suspek habang inaalam pa rin ang motibo ng pamamaril. - Arnell Ozaeta