420,000 board feet troso nasamsam
ILAGAN, Isabela, Philippines — Umaabot sa 420,000 board feet ng ibat-ibang uri ng punongkahoy ang nasamsam ng mga tauhan ng Anti-Illegal Logging Task Force sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa loob ng tatlong araw kamakalawa sa mismong paanan ng Sierra Madre Mountain sa bayan ng Ilagan, Isabela.
Ayon kay Governor Grace Padaca, itinuturing na pinakamalaking huli sa kasaysayan ng bansa ang pagkakadiskubre sa mga troso na pawang mga first class na hardwood kabilang na ang red at white lawaan na bibihira na lamang na matatagpuan sa mga kagubatan.
Maliban sa 300,000 piraso na nasamsam noong Martes ay nakumpiska rin ng provincial task force sa pangunguna ni Dave Siquian, ang 40,000 board feet noong Linggo at 80,000 board feet naman noong Lunes sa mga Brgy. Santa Filomena at Minanga sa bayan ng San Mariano.
Ang 300,000 board feet na nasamsam sa Brgy. Naguilian na nasa paanan ng Sierra Madre ay tinatayang aabot sa P10 milyon.
Ayon kay Siquian, ang pagkadiskubre sa pinakamalaking volume ng kahoy ay dahil sa tulong ng ilang residente na sinasabing nag-text sa kinauukulan kaugnay sa kahina-hinalang operasyon ng sindikato.
Sa kabuuan ay aabot sa milyong board feet ang nasa pangangalaga ngayon ng provincial government simula nang pagtuunan ni Gov. Padaca ang kampanya laban sa mga illegal logger. - Victor Martin
- Latest
- Trending