Kinidnap na peace volunteer nasagip
MANILA, Philippines – Matapos ang tatlong buwang pagkakabihag, nailigtas ng mga awtoridad, ang Sri Lankan peace volunteer na si Umar Jaleel na kabilang sa nalalabi pang kidnap victim ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa bahagi ng Basilan, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni P/Senior Supt. Salik Macapantar, Basilan police director, nasagip ng kaniyang mga tauhan si Jaleel sa bisinidad ng Sitio Korelem, Brgy. Silangkum, sa bayan ng Tipo-Tipo.
Napag-alamang malaking tulong ang pakikipagnegosasyon ni Rashid Iklaman, board of director ng Bangsamoro Development Agency sa mga kidnaper para sa mabilis na pagpapalaya kay Jaleel.
Napag-alamang napilitang abandonahin ng mga kidnaper si Jaleel sa takot na maubos sa tumutugis na mga tauhan ng pulisya at ng tropa ng militar.
Sinabi naman ni Task Force Trillium Commander Alex Pama na ang matinding pressure ang isinagawa ng 1st Marine Brigade na pinamumunuan ni Brig. Gen. Rustico Guerrero laban sa mga kidnaper na nagbunsod sa matagumpay na pagkakaligtas kay Jaleel.
Si Jaleel ay binihag ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama sa Lamitan City, Basilan noong Pebrero 13.
Sa kasalukuyan ay bihag pa rin ng mga bandido ang lending firm employee na si Leah Patris na dinukot noong Enero at ang tatlo pang guro ng Bangkaw-Bangkaw Elementary School na sina Jocelyn Inion, Noemi Mandi at si Jocelyn Enriquez na pawang dinukot noong Marso.
Magugunita na pinalaya ng mga bandido ang tatlong guro ng Landang Gua Elementary School sa Sacol Island, Basilan na sina Quizon Freirez, Rafael Mayonada at Jeannette de los Reyes noong Mayo 26 sa Brgy. Candiis, Mohamad Ajul, Basilan noong Mayop 26. - Joy Cantos
- Latest
- Trending