Newsman, pulis pinabulagta
RIZAL, Philippines – Napatay sa anti-drug operation ang isang reporter ng tabloid at isang pulis matapos ratratin ng grupo ng notoryus na drug syndicates sa bisinidad ng Barangay Sta. Ana sa bayan ng Taytay, Rizal kahapon ng madaling-araw.
Naisugod pa sa Manila East Medical Center subalit idineklarang patay sina Tiburcio “Jojo” Trajano, correspondent ng Remate, residente ng Brgy. Sto. Niño, Marikina City at PO1 Virgilio Dela Cruz Jr., 29, ng Pastor Masilang Street, Tanay, Rizal.
Kabilang naman sa mga suspek na naaresto ng pulisya ay sina Steve Kasan, Noraisa Mohamad-Kasan, Dhats Kensay Abag, Michelle Olitan, kapwa naninirahan sa Camp Bagong Diwa, Taguig City; dalawang menor-de-edad na babae na kapwa residente ng Signal Street, Dream Land Subdivision, Taguig City.
Sa ulat ng Region 4A director, P/Chief Supt. Perfecto Palad, alas-2:25 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa bisinidad ng Lupang Arienda sa nabanggit na barangay.
Nabatid na papasok pa lamang ang pangkat ng anti-drug operatives, kasama si Trajano bilang media witness sa hideout ng drug gang leader na alyas Zoren nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril.
Nabatid na agad na napuruhan ng bala ng baril si PO1 Dela Cruz sa ulo at dibdib habang si Trajano naman sa hita at sikmura.
Samantala, ipinarerebisa na ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, ang polisiya hinggil sa pagsasama ng mediamen sa police operations matapos ang insidente.
Sinabi pa ni Verzosa na lubhang nakakalungkot na nasawi sa pagtupad ng kaniyang tungkulin si Trajano kasabay ng pakikiabot ng pakikiramay sa pamilya nito at ni PO1 De la Cruz.
Ayon kay Verzosa ang kaso ni Trajano ay iniutos na niyang ibilang sa imbestigasyon ng Task Force USIG, ang pangunahing nag-iimbestiga sa mga kaso ng extrajudicial killing.
Kinondena naman ng pamunuan ng National Press Club sa pamumuno ni Benny Antiporda, ang pagkakapatay kay Trajano. Danilo Garcia at Joy Cantos
- Latest
- Trending