KIDAPAWAN CITY, Philippines – Natukoy na ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng mga armadong kalalakihan na dumukot noong Linggo ng gabi kay Lourdes Kian, 72, (naunang iniulat na Leonarda Tan) ng Barangay Notre Dame, Cotabato City.
Mismong ang drayber na si Wilfredo Ronquillo, ang nagpaabot kay P/Senior Supt. Wilfredo Dangane, hepe ng Cotabato City PNP, na si Kian at caretaker nitong si Bernardo Isidro ay dinala sa kagubatan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay Ronquillo, lulan si Kian, Isidro, ng kanyang Toyota Ace van pauwi sa Notre Dame Village nang harangin ng mga armadong kalalakihan sa Malagapas Area sa Brgy. Rosary Heights.
Kaagad na sumakay ang mga suspek sa van ni Ronquillo at nagpahatid sa terminal ng Husky Bus sa Brgy. Taviran sa Datu Odin Sinsuat hanggang sa makarating sa Brgy. Pinggiaman kung saan dalawang motorsiklo ang sinakyan ng mga armadong kalalakihan kasama sina Kian at Isidro.
May teorya si Ronquillo na nasa hangganan ng Datu Odin Sinsuat at Datu Piang, sa Maguindanao, sinala ang mga biktima na sinasabing sentro ng bakbakan sa pagitan ng militar at rebeldeng Moro Islamic Liberation Front simula pa noong Enero 2009.
Sa tala ng pulisya, si Kian ang ikaapat na biktima ng kidnapping sa Central Mindanao kung saan naunang dinukot ang mag-amang Wilson at Jennifer Tan, noong Marso 2009.
Kabilang din sa kinidnap ay ang Chinese trader na si Afen Ma Wu, noong Mayo 27.
Kaugnay nito, nanawa gan si Cotabato City Mayor Muslimin Sema, sa mga kidnaper ni Kian na palayain na lamang nila ito dahil wala silang mapapala sa biktima.
Hanggang sa ngayon, ay hindi pa nakikipag-ugnayan ang mga kidnaper sa pamilya ni Kian. - Malu Manar