RIZAL, Philippines – Pitong armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng Waray-Waray robbery/hold-up group ang iniulat na napatay matapos makipagbarilan sa mga awtoridad kahapon sa bisinidad ng Sitio Palinglingan, Barangay San Juan, Antipolo City, Rizal.
Bineberipika pa ng pulisya ang pagkikilanlan ng mga armadong napatay habang narekober naman ang M16 Armalite rifle, limang maiksing baril at isang granada.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ireneo Dordas, naganap ang sagupaan dakong alauna ng hapon kung saan sinalakay ng pulisya ang pinagkukutaan ng mga armadong kalalakihan sa nabanggit na barangay.
Bago maganap ang shootout, namataan ng impormante ng pulisya ang grupo na may mga bitbit na baril kaya kaagad na ipinagbigay-alam sa kinauukulan.
Dito na bumuo ng pangkat ang pulisya para sa follow-up operation subalit papalapit pa lamang ang mga awtoridad ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok mula sa kuta ng mga suspek kaya napilitang gumanti ang pangkat ng pulisya.
Nang mahawi ang usok ay nakabulagta sa loob ng safehouse ang pitong armadong kalalakihan habang wala naman iniulat na nasugatan o nasawi sa panig ng pulisya.
Nasamsam sa pinangyarihan ng shootout ang ilang papeles na sinasabing puntirya ay isang pawnshop sa bayan ng Cainta, Rizal kung saan gagamiting kuta ang inupahang bahay. - Danilo Garcia