BULACAN, Philippines – Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng nakawan ng motorsiklo ang bumagsak sa kamay ng pulisya sa isinagawang magkahiwalay na operasyon kahapon sa bayan ng Baliwag, Bulacan.
Pormal na kakasuhan ang mga suspek na sina Jeffrey Valerio, 21, ng Brgy. Sampaloc, San Rafael; Erwin Teves, 18; Niño Matic, 28, kapwa naninirahan sa Brgy. Sabang, Baliwag, Bulacan; at si Alexander Odicta, 25, ng Brgy. Tambubong, San Rafael, Bulacan.
Naunang inaresto sina Valerio at Teves na magkaangkas sa nakaw na motorsiklo (RQ 7366) sa itinayong PNP checkpoint sa Barangay Tibag sa bayan ng Baliwag.
Sa follow-up operation, nasakote naman sina Matic at Odicta kung saan nakumpiskahan ng dalawang karnap na motorsiklo na parehong plaka na RQ 7366.
Ayon sa ulat, habang inimbestigahan ang mga suspek sa himpilan ng pulisya ay dumating ang ama ni Alexander Odicta na sinasabing aareglo sa kaso subalit inaresto din ito dahil sa pagdadala ng baril na walang kaukulang papeles. (Boy Cruz at Dino Balabo)