CEBU CITY, Philippines – Isang 19-anyos na dalagang ina ang naghihimas ng rehas na bakal makaraang arestuhin ng pulisya dahil sa pagbebenta sa kanyang 15 buwang gulang na anak na lalaki sa isang bus driver sa halagang P300 sa Cebu City.
Hawak na ng Family Juvenile and Gender Sensitivity Section ng Cebu City Police Office, ang suspek na si Josephine Ligo ng Sitio Kalinaw, Barangay Mabolo sa naturang lungsod.
Inaresto si Ligo makaraang ipagbigay-alam sa pulisya ng kanyang mga utol na sina Madel Domingo at Vincent Ligo ang pagbebenta ng anak sa bus drayber na si Roger Demol.
Bago maibenta ang sanggol, tinangkang iwan ni Ligo ang kanyang anak sa may-ari ng karinderya na si Josephine Paglinawan subalit tumanggi itong ihabilin sa kanya.
Todo tanggi naman si Ligo sa akusasyon ng kanyang utol at sinabing ipinagkatiwala lamang niya ang anak kay Demol at humingi ng P100 upang ipambili niya ng pagkain.
Inihayag naman ni Demol na handa siyang ibalik ang sanggol kasabay ng paliwanag na naawa lamang siya kay Ligo nang sabihing wala na itong maipakakain sa bata. (Ricky Tulipat at Freeman News Service)