KIDAPAWAN CITY, Philippines – Isa na namang Tsinoy trader ang dinukot sa Central Mindanao, ilang oras matapos palayain ng mga kidnaper ang isang Chinese trader sa bayan ng North Cotabato.
Kinilala ni P/Senior Supt. Wilfredo Dangane, hepe ng Cotabato City PNP, ang pinakabagong biktima ng kidnapping na operator ng cockpit na si Leonarda Tan, half-sister ni Manuel Tan na kilalang trader sa Cotabato City.
Batay sa salaysay ng drayber ni Tan na si Bernardo Isidro, papauwi na sila bandang alas-7 ng gabi noong Linggo, nang harangin ng mga armadong kalalakihan sa highway sa Barangay Notre Dame.
Pinalaya ang drayber na si Isidro para maipaabot sa pulisya ang insidente habang si Tan ay inilipat sa isang kotse.
Ayon sa pulisya, bandang alas-9 na ng gabi ini-report ni Isidro ang kidnapping, kung saan agad na kinordon ng pulisya at militar ang posibleng exit route ng sasakyan ng mga kidnaper subalit nakalusot pa rin sa inilatag na dragnet operation.
Patuloy naman iniimbestigahan ng pulisya si Isidro dahil sa hindi kaagad naipaabot ang insidente gayong may ilang metro lamang ang layo sa bahay ng pamilya Tan mula sa presinto ng PNP.
Sa tala ang pulisya, si Tan ay ikatlong dinukot sa Cental Mindanao nitong 2009 kung saan noong Marso ay kinidnap ang mag-amang Wilson at Jennifer Tan sa Cotabato City.
Sinasabing nagbigay ng P10 milyong ransom sa mga kidnaper ang pamilya ng mag-ama para makalaya.
Dinukot din ang Chinese trader na si Afen Ma Wu, sa bayan ng Kabacan noong Miyerkules (Mayo 27) saka pinalaya noong Linggo (Mayo 31). Hindi naman nabatid ng pulisya kung nagbigay nga ng ransom ang pamilya ni Wu para mapalaya.
Ayon kay Cotabato Gov. Jesus Sacdalan, ang kidnapping incident sa nabanggit na rehiyon ay maituturing na isolated case at ‘di makakaapekto sa kabuuang takbo ng negosyo sa nabanggit na lalawigan. (Malu Manar)