4 miyembro ng Darang group tiklo sa drug bust
BAGUIO CITY, Philippines – Apat-katao kabilang ang dalawang menor-edad na babae ang inaresto ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency-Cordillara at lokal na pulisya sa isinagawang drug bust operation sa bisinidad ng Crystal Cave sa Baguio City, ayon sa ulat kahapon.
Sumasailalim sa interogasyon ang mga suspek na sina Alekan Madid y Datumanong alyas Aliekan Madid y Hadji (Alvin), 24, ng Maging, Lanao Del Sur; asawa na si Snauray Madid y Darang alyas Snauriay Sabuyugan y Madid, 27, ng Narra, Palawan at dalawang menor-de-edad na babae na sinasabing anak ni Unos Darang, leader ng Darang drug group na nagpapakalat ng shabu sa Baguio at Benguet.
Hindi naman nadatnan sa bahay ang asawa ni Unos na si Hanipa Darang.
Ayon kay Phil. Drug Enforcement Agency-Cordillera spokesperson Emelyn Fama, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Marybelle Dewmot Marinas ng Regional Trial Corut, 1st Judicial Region sa La Trinidad, Benguet Branch 8, ang mga suspek ay naaresto sa bahay na may close circuit television cameras.
Nasamsam sa bahay ng mga suspek ang mga sachet ng shabu, drug paraphernalia, kemikal, baril na walang lisensya, iba pang deadly weapon, at ang drug money bank account.
Ayon sa kay Fama, ang grupo ni Darang ay kumukuha ng shabu sa Cavite, Dagupan City at Urdaneta City sa Pangasinan, Culiat sa Quezon City at sa Taguig City, Metro Manila.
Bineberipika pa ng PDEA kung ang negosyo ng mag-asawang Darang ay ginagamit na ‘front’ sa kanilang posisyon sa Muslim vendors association sa Baguio City na sinasabing protektado.
Ang mag-asawang Madid na nasa talaan ng drug personalities sa Cordillera Region ay ka-grupo ng Darang at naaresto na noong March 8, 2005, kabilang na sina Delfin Lomibao, Oliver Buado at si Joel Buado sa isinagawang buy-bust operation sa Bukaneg St., Baguio City kung saan nasamsam ang 45.2 gramo na nagkakahalaga ng P.5 milyon.
Gayon pa man, na-dismiss ang kaso ng mag-asawang Madid sa prosecution level pa lamang noong Abril 29, 2005. Artemio Dumlao
- Latest
- Trending