MANILA, Philippines – Matapos ang kontrobersyal na rape-video, sinagip ng wedding bells sa pagkakadismis sa serbisyo ang dalawang security escort ng isang heneral na inireklamo ng rape ng babaeng police applicant sa General Santos City.
Ito’y matapos na lumagda sa affidavit ang nagreklamong si Sheena Verona, 22, ng Matalam, North Cotabato na iniaatras na ang kaso laban sa dalawang escort ni P/Chief Supt Fidel A. Cimatu, Jr., PNP-PRO 12 director kung saan ay isa rito ay nobyo pala nito.
Sinasabing nagbago ng desisyon si Verona nang alukin siya ng kasal ni PO2 Paul Untal kaya iniurong na ang kaso laban sa naturang pulis at sa kasamahan nitong si PO1 John Ripdos.
Ayon sa charge sheet, inakusahan ni Verona na ni-rape siya ni Untal sa residential compound ni Cimatu sa Camp Lira sa Gen. Santos City noong Mayo 20 habang nakihimas naman si Ripdos sa kaniyang alindog.
Ang pagbawi ng reklamo ay nakasaad sa affidavit of withdrawal nang ideklara ng dalawa na sila ay magnobyo at bunga nito ay nakalibre sa pagkakakulong sina Untal at Ripdos.
“I wish to categorically state that all the acts that transpired between me and PO1 Untal were consesual and of our own private desires. Everyone commits indiscretions at one time or another,” ayon pa sa affidavit ni Verona.
Gayon pa man, bunga ng insidente ay sinuspinde, pinadisarmahan, tinanggalan ng tsapa at ipinakalaboso ni Cimatu ang dalawa saka kinasuhan ng administratibo at kriminal.
Nagsumite rin ng 30-araw na leave si Cimatu pero sanhi ng command responsibility ay pinatawan ng administrative relief ni PNP chief Jesus Verzosa.
“The PNP has nothing to do with their personal conduct. It’s up to the courts. My office is bound to pursue such procedure,” ayon naman kay Cimatu bilang reaksyon.
Si Untal ay kasalukuyang nakakulong habang si Ripdos ay nakalaya matapos maglagak ng P12,000 piyansa.