CAVITE, Philippines – Malalagay sa balag ng alanganin ang pamunuan ng Metro South Medical Center Hospital sa bayan ng Bacoor, Cavite makaraang gawing preso ang isang pasyenteng tinedyer sa loob ng dalawang buwan dahil lamang sa kakulangan ng pambayad noong Abril 26, 2009.
Sa panayam ng PSNgayon sa pasyenteng si Dennis Mallen y Galen, magbibigay na sila ng P10,000 bilang inisyal na bayad sa operasyon at gumawa pa sila ng promissory note na babayaran ang kabuuang P100,000 kapag dumating ang ipinadalang pera mula sa London.
“Ang masakit nito, nagtrabaho naman bilang nurse ang nanay ng pamangkin (Dennis) ko sa Metro South noong araw pero ‘di nila binigyang halaga,” pahayag ng isang kamag-anak ni Dennis.
Subalit binalewala ang pakiusap ng pamilya Mallen at hindi pinahintulutang makalabas ang 19-anyos na pasyente na residente ng Addas 2 sa Brgy. Molino 2, Bacoor, Cavite.
Ayon sa pamilya ng pasyente, hinihingan sila ng inisyal na P30,000 at nagbantang hindi palalabasin si Dennis hangga’t walang malaking halaga.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa P113,957.53 ang hospital bill kabilang na ang professional fee ng tatlong doctor na P50,000 simula pa noong Abril 2, 2009 at patuloy na lumalaki ang bayarin ng pamilya Mallen.
Napag-alamang si Mallen ay sumailalim sa operasyon matapos barilin ng isa sa miyembro ng TBS Gang noong Abril 2 ng hapon sa labas ng kanilang tahanan sa nabanggit na barangay.
Nabatid na nangako naman ang ina ni Dennis na nagtatrabaho bilang nurse sa London na magpapadala ng malaking halaga kada buwan para sa hospital bill subalit patuloy na tumatanggi ang nasabing ospital.
Hindi naman makontak sa telepono ang tumatayong opisyal na si Rose Garcia para magbigay ng kanyang panig.
Nanawagan na rin ang mga magulang at kaanak ni Dennis sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para makalabas ng nasabing ospital.