MANILA, Philippines - Hindi lamang niyurakan ng dalawang pulis ang dangal ng kanilang pinaglilingkurang heneral kundi maging ang Camp Fermin Lira sa General Santos City sa South Cotabato ay binaboy pa dahil sa ginawang panghahalay sa isang babaeng police applicant saka ipina-video pa ang ginawang maitim na balak noong Miyerkules ng Mayo 20.
Isinailalim na sa summary dismissal proceeding at preventive suspension ang mga suspek na sina PO1 Paul Untal at PO1 John Ripdos na kapwa security escort ni P/Chief Supt. Fidel Cimatu.
Maliban sa kasong administratibo ay nahaharap din sa kasong kriminal sina PO1 Untal at PO1 Ripdos na kapwa naghihimas ng rehas na bakal.
“I strongly condemn what the two non-commissioned officers have done, they have brought shame into the PNP organization, stained our badge of honor and have ill-treated the women’s dignity,” pahayag ni Cimatu sa press statement.
Ang dalawa na mula sa PNP Regional Mobile Group 12 ay inireklamo ng babaeng police applicant na itinago sa pangalang Deborah ng Kabacan, North Cotabato.
Ayon sa ulat, naganap ang panghahalay sa loob ng compound ni Cimatu sa Camp Fermin Lira, kung saan ipina-video pa ng dalawang pulis ang pambababoy sa biktima.
Samantala, iniutos din ni Cimatu ang paglilipat ng kasong administratibo laban sa dalawa sa Internal Affairs Service (IAS). Joy Cantos