Kapitan, crew ng M/B Commando 6 tugis
BATANGAS CITY, Philippines – Matapos lumubog sa karagatan ng Batangas ang ferry boat na M/B Commando 6 na nagresulta ng pagkamatay ng 12 katao, pinaghahanap na ngayon ng mga tauhan ng Batangas Coast Guard ang kapitan at mga crew na sinasabing nagtatago para sumailalim sa imbestigasyon.
Ayon kay Lt Commander Troy Cornelio, Batangas Coast Guard Commander, ipinapatawag nila ang kapitan ng motorized bangka na si Melito Anilao kabilang na ang apat na tripulante.
Nabatid na lumabag sa patakaran ang mga tripulante ng nasabing bangka matapos mag-overload ng 60 pasahero na dapat lamang ay 42-katao.
Napag-alamang nagtatago ang mga tauhan ng nabanggit na bangka na pag-aari ng Ilagan Shipping Lines matapos maganap ang trahedya sa may Malajibomanok Point, siyam na nautical miles ang layo sa Puerto Galera noong Sabado ng umaga.
Sinuspinde na rin ng Maritime Industry Authority (Marina) at ng Philippine Coast Guard ang license to operate ng nasabing shipping lines habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon.
Sasailalim sa inspeksyon ng Marina ang mga bangka ng nasabing shipping lines na M/B Commando 4, 7, 8, 9, M/B Lady Rhealine, M/B Lady Rhelaine Express at ang M/B After Dark kung saan da dalhin sa Minolo Port, Puerto, Oriental Mindoro.
Kabilang sa mga nasawi sa trahedya ay sina Franco Eugenio, 3; Anton Cruz, 2, kapwa taga White Plains, Quezon City; Gregonia Pablico, 58; at Albino Pablico, 55, ng Sta Cruz, Manila; Beta Berdin, 2; at Melanie Berdin ng Sta Mesa, Manila; Desiree Teodoro, 20, ng Taytay, Rizal; Joena Perez, 25, ng Batangas; Nina Ricci Cads ng Rizal; Daisy Eugenio ng Quezon City; Hosotani Shoji, 50, Japanese national at isang nakilala lamang na yaya Tess.
Matatandaang bandang alas-11 ng umaga nang lumayag ang M/B Commando 6 mula sa pantalan ng Batangas patungong White Beach sa Puerto Galera nang masira ang katig nito dahil sa lakas ng alon at hangin hanggang sa tuluyang lumubog. Dagdag ulat ni Mer Layson
- Latest
- Trending