MANILA, Philippines – Dalawang pulis at isang sundalo ang dinukot ng tinatayang may 100 rebeldeng New People’s Army matapos ang mga itong magsagawa ng checkpoint sa Sitio Daguma, Pasian, Monkayo, Compostela Valley nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ng militar ang isa sa biktima na si Staff Sergeant Jose Maglangit, nakatalaga sa 36th Infantry Battalion ng Philippine Army sa ilalim ng 4th Infantry Division na nakabase sa Agusan del Sur.
Gayunman, ayon kay Lt. Col. Kurt Decapia, Chief ng Public Affairs Office ng 10th ID ng Philippine Army, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang pulis na dinukot ng grupo ng NPA Front Committee 20.
Ang nasabing mga rebelde ay kabilang sa mga nagsiatras na NPA nang maitaboy ng puwersa ng military sa bahagi ng Trento, Agusan del Sur kung saan nalagasan ng malaking bilang ang mga kalaban sa engkuwentro sa lugar kamakalawa. (Joy Cantos)