2 dedo, 5 sugatan sa aksidente
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Namatay ang driver at pasahero ng motorsiklo habang lima pa ang sugatan nang araruhin ng Fuzo boom truck ang kani-kanilang mga sasakyan sa may outpost ng 602nd Brigade sa national highway sa Barangay Balindog sa lunsod na ito kahapon ng umaga.
Kinilala ni SPO1 Raymundo Lam-an ng Traffic Division ng Kidapawan City Police ang isa sa mga nasawi na si Ruben Boragay, 49, ng Barangay Mua-an sa lungsod, driver ng kulay dilaw na Loncin motorcycle. Ang pasahero nito na patay din sa freak accident ay ’di pa nakikilala hanggang sa ngayon.
Ayon kay SPO1 Lam-an, hirap sila sa pagkilala sa bangkay dahil napisak ng truck ang ulo ng biktima at wala ni isa mang Identification card na nakuha sa damit nito. Kabilang sa sugatan sina Lauro Singco, 38, ng de Mazenod village, Barangay Paco ng lungsod at driver ng asul na Honda XRM motorcycle na may plakang ML 6734 at anak na si Geraldine, 20. Inararo din ng truck ang motorsiklo ng mga Singco.
Isinugod ang mag-ama sa Kidapawan Medical Specialist Hospital sa Kidapawan City.
Inamin ng driver ng truck na si Loreto Castillo, tubong Tagum City, Davao Oriental, na nagkaproblema ang kanyang sasakyan nang mabangga niya ang mga biktima. (Malu Cadelina Manar)
- Latest
- Trending