CAVITE, Philippines – Maagang nagwakas ang buhay ng isang dalaga makaraang barilin at saksakin ng kanyang boyfriend habang nasa loob ng hotel sa bayan ng Bacoor, Cavite kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Supt. Renz Ortilla, Bacoor police chief, ang biktimang si Kimberly Ann Jimenez, 18, single, residente ng Evangelista Street. Pasay City.
Nakapiit naman ngayon at nahaharap sa kasong murder ang boyfriend ni Jimenez na si Paul Arman Baluyot, 18, single at residente naman ng St. Joseph Village, Barangay Niyog 1, Bacoor Cavite.
Sa police report, lumilitaw na naganap ang krimen sa loob ng kuwarto ng RL Sabater Hotel sa Barangay Talaba 7, bandang alas-6:20 ng umaga.
Sa salaysay ng hotel room supervisor na si Vinroc Montano, nakarinig siya ng putok ng baril sa loob ng silid ng magnobyo hanggang sa makita na lamang nito na papalabas ang suspek sa kuwarto habang bitbit ang duguang kasintahan.
Nabatid na humihingi ng saklolo si Baluyot upang madala sa ospital ang kanyang kasintahan na tinamaan ng bala ng baril sa dibdib.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabi ni Baluyot na aksidente lamang ang insidente, subalit malaki ang paniniwala ng pulisya na sinadya ang pagpatay sa nobya nito matapos makitaan pa ng dalawang saksak sa katawan ng biktima.
Gayon pa man, agad na inaresto si Baluyot at kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya matapos makumpiskahan ng isang cal. 38 revolver na walang lisensya.