MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang aabot sa 37-katao ang nilamon ng pu tik, habang 19 iba pa ang nawawala sa naganap na landslide sa small-scale mining site noong Lunes ng hapon sa Sitio Boringot sa Brgy. Napnapan sa bayan ng Pantukan, Compostela Valley.
Sa phone interview, kinumpirma ni Compostela Valley Governor Arthur “Chiongkee” Uy na nasa 37-katao na ang pinangangambahang namatay sa trahedya at patuloy na hinuhukay ang mga bangkay ng rescue team mula sa provincial government at ng lokal na opisyal ng pulisya.
Ayon naman kay Compostela Valley policed director P/Senior Supt. Ronald dela Rosa, aabot sa18 bangkay na karamihan ay minero sa minahan ng ginto ang nahukay na, habang 16 naman ang nasugatan matapos na nadaganan ng malalaking tipak ng bato at makapal na putik.
Karamihan sa mga biktima ay naninirahan sa paanan ng bundok kung saan ginawang minahan na sinasabing pinamumugaran ng mga rebeldeng New People’s Army na sangkot sa pangingikil ng revolutionary tax sa mga minero sa Compostela Valley.
Ayon sa ulat, gumuho ang itaas na bahagi ng bundok dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan na sinasabing nagpalambot ng lupa na tumabon sa mga kabahayan sa paanan ng bundok.
May 30-kabahayan ang natabunan kung saan sa kabila ng babala ay tumanggi ang mga minero na lisanin ang nasabing lugar.
Napag-alaman din na nagpalabas ng stoppage order ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mining operation sa Sitio Boringot noong Abril dahil sa masamang lagay ng panahon sa nasabing landslide prone area. - Joy Cantos